Kilatisin si Agnes Bailen

Batas na patas

Sa dami ng kinakaharap natin ngayon, ang kailangan natin ay mga mamumuno na talagang magtatrabaho para sa bayan. Marami sa ating problema ay kayang solusyunan ng batas na patas. Pagdating sa senado, trabahuhin na natin ‘to!

kilatisin
Kilatisin
Flag

Ang mga platapormang ito ay tututok sa pagiging produktibo ng bawat mamamayan at pagsusulong ng maunlad na lipunan.

Ito po ang ilan sa mga pangunahing tututukan natin sa senado:

Ang mabuting pamamahala ay ang pag-uugnayan ng mamamayan at ng pamahalaan. Ito ay importante. Kailangan ang mga batas ay tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan sa lipunan. Maraming mga batas ang hindi naipapatupad nang maayos dahil ang mga implementing rules and regulations ay hindi lubos na naiintindihan ang batas o may mga batas na umiiral na nakakaapekto sa interpretasyon ng tamang implementasyon nito. Bukod pa dito, may mga kasunduang pandaigdig na nagiging bahagi ng ating batas dahil sa doctrine of incorporation. Kaya kung kulang ang kaalaman ng taong maihahalal sa senado, pwedeng maging mahina ang batas at marahil lalong magugulo ang mga magpapatupad nito. Sa huli, magpapahirap lang ito sa kalagayan ng mga taong sinasaklawan ng batas.

May mga batas na dapat ipatupad nang maayos. Sisiguraduhin natin ang mga sumusunod:

  • Bago aprubahan ang budget ng isang ahensya, magtataguyod tayo ng checklist na kailangang sundin ng mga ahensya ng pamahalaan. Ilan sa mga kabilang sa listahang ito ay:

    Paglaan ng di bababa sa 5% ng kanilang budget para Gender and Development activities (ayon sa Magna Carta for Women).

    Paglaan ng di bababa sa 5% ng casual emergency positions or contractuals ng DSWD, health, culture or sports or mga opisinang tumutugon sa social development at mga trabaho sa mga ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa social development para sa mga PWDs (ayon sa Magna Carta for Persons with Disability).

    Nasusunod ang ideal ratio ng barangay healthcare workers sa bawat barangay (ayon sa Barangay Health Workers’ Benefits and Incentives Act of 1995).
  • Isusulong natin na ang maaaprubahan na pambansang budget ay maglalaan ng di bababa sa 5% ng GDP ng bansa para sa kalusugan at 5% ng GDP ng bansa para sa infrastructure (ayon sa mga pandaigdigang pamantayan).
  • Ipapasa natin ang batas na sisiguraduhing ang ating 5-year Philippine Development Plan ay magmumula mismo sa baba; mula sa mga barangay paakyat sa pambansang budget sa pamamagitan ng Development Budget Coordination Committee. Sisiguraduhin nito na ang budget ng bansa ay nakabase talaga sa iba’t ibang uri ng pangangailangan sa bawat barangay, hindi yung kung ano na lang ang abutan ng budget sa regional. Ilalapit pa natin ang mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
  • Itataguyod pa natin ang Barangay Assembly. Ayon sa Local Government Code, mayroon dapat Barangay Assembly dalawang beses kada taon sa mga residente ng barangay. Sa kapulungang ito ipapasa ng mga residente ang report ng Sangguniang Barangay tungkol sa mga aktibidades at pananalapi ng barangay. Isa itong paraan upang mas magkaroon ng boses ang mamamayan sa pamahalaan at lubos na matupad ang Mandanas ruling.

Ang solusyon sa pandemya at sa pagbagsak ng ekonomiya ay magkaugnay. Sa panahong ito, dapat ng sabay na isulong ang solusyon sa dalawang ito. “To heal the individual is to heal the nation.”

  • Kailangang paigtingin ang pagsuporta at paglikha ng mga trabahong akma sa panahon ng pandemya at ayon sa talento ng mga mamamayan.
  • Kailangan din natin palakasin ang financial inclusion, digital transactions, at financial literacy ng mga mamamayan. At napakaimportante na suportahan natin ang Micro, Small, Medium Industries (MSMEs).

Ipinakita ng pandemya ang kahalagahan ng maayos na public health system. Buhay ang nakataya sa bawat maling galaw sa pamamahala ng ating pambansang kalusugan.

  • Ilalaban nating mabigay hindi lamang ang mga benepisyo ng ating healthcare workers bagkus ang suporta na kailangan nila, may pandemya man o wala.
  • Tututukan natin ang mga programa at mga proyekto ng DOH, FDA, DA, Philhealth, PITAHC, at DOST kung paano nila isinasatupad ang mandato nila para mapangalaan at maisulong ang kalusugan ng mga Pilipino. Makikita natin sa report ng Commission on Audit at sa low budget utilization rates ng mga ahensyang ito ang nasasayang na pondo para sa kalusugan. Dati, wala pang 5% ang nakalaan sa kalusugan. Ngayon, lampas na ng 5% at mayroon pang sin taxes na dinadagdag sa pondo ng DOH at mga ahensiya nito. Subalit ang lumalabas, nasasayang ang ibang pondo nila dahil hindi marahil natutukoy ang ugat ng paulit-ulit na problema sa kalusugan na lalong lumala dahil sa pandemya.

Para saan ba natin nilalaan ang mga graduates natin: para palakasin ang ating bansa o para maging second-class citizen ng ibang bansa? Hindi lamang edukasyon ang karapatan ng bawat mamamayan; dapat siguraduhin din ang produktibong paglalaanan ng mga napag-aralan para sa ating bayan.

  • Tututukan natin ang mga ahensiya na nakatuon sa edukasyon, sining, kultura, at sports. Bakit bumagsak ang kalidad ng mga mag-aaral natin sa kabila ng ang pondo sa edukasyon ang itinalagang pinakamalaki dapat ayon sa Saligang Batas? Dapat ituon ang pondo sa pagsusulong ng mataas na kalidad ng edukasyon upang magbunga ng mga produktibong mamamayan dito sa bansa.
  • Kailangang ibalik ang kahalagahan ng sining, kultura, at sports para sa ating pambansang pagkakakilanlan. Itaguyod pa natin ang kaalaman at pagpapahalaga sa mga ito sa curriculum ng ating mga mag-aaral.
  • Kailangang ibalik ang general education, practical arts, at lifelong learning.
  • Dapat ang mga negosyante ay isama sa policymaking para masisiguro na ang mga nagsipagtapos ay madali kaagad makakuha ng trabaho para makatulong sa pamilya at sa paglago ng ekonomiya.
  • Kailangang balikan ang lahat ng mga nagawa nang pagsasaliksik at rekomendasyon ng iba’t ibang eksperto para makita kung ano ang pinaka-akmang pangangalaga ng ating kalikasan.
  • Hindi lang ang big business at investors ang pakikinggan natin; mahalagang isama sa diskusyon ang mga taong matatamaan ng mga proyektong may kinalaman sa likas-yaman, lalo na ang mga katutubong Pinoy na ang buhay ay nakatali sa kalikasan.
  • Ang mga alternatibong energy sources ay dapat pagtuunan ng pansin dahil kailangan nang bawasan o tanggalin ang paggamit ng mga fossil fuels na lubos na nakakasira sa kalikasan.
  • Climate change is directly affected by industrialization. Mananawagan tayo sa international community na maging responsable hindi lamang sa kanilang pangkasalukyang carbon emissions. Dapat base ang kanilang aksyon sa katagalan ng kanilang pagiging industriyalisadong bansa.
  • Babawasan natin ang paggamit ng plastic, lalo na ang mga single-use.
  • Para mabawasan ang paggamit ng sasakyan, ilalapit natin ang mga manggagawa sa kanilang mga trabaho.

Para sa akin, ang batas ay patas dapat para sa lahat. Ayon sa panimula ng ating Saligang Batas, tungkulin natin ang bumuo ng lipunang makatarungan at makatao. We will make sure that human rights, as protected by the Constitution, shall prevail.

  • Ilalaban nating ang karapatan ng minorya ay rerespetuhan ng karamihan.
  • Susuriin pa natin ang mga iba’t ibang sangay ng pamahalaan at palalakasin ang ugnayan sa mga kommunidad para maisulong ang paglilitis at pagpapakulong sa mga nagkasala laban sa karapatang pantao.
  • Itataguyod natin na maprotektahan ang seguridad ng mga mamayan, matugis ang mga nagkasala sa batas, masugpo ang mga krimen sa bansa.
  • Higit sa lahat, isusulong natin ang restorative justice kung saan ang buhay ng mga nagkasala ay sisikapin natin na baguhin para makabalik ulit sila sa kanilang mga pamilya at maging produktibong miyembro ng kanilang pamayanan.

Ang dami-dami ng prosesong pangkapayapaan ang ginawa natin at bilyon-bilyon na ang nilalaan natin para rito. Ang kailangan: alamin ang ugat ng rebelyon. Aalamin natin kung paano hinihikayat ang mga rebelde na bumalik at makipagtulungan sa pagpapaunlad ng bayan sa mapayapang paraan.

  • Titingnan natin kung ang approach ni dating pangulong Ramon Magsaysay sa rebelyon ay akma sa kasalukuyan na sitwasasyon. Pakikinggan ang mga tunay at may kabuluhang hinaing ngunit ipapataw ang parusa ng batas sa mga lalabag nito, lalo na ang pagkitil ng buhay at pananakot.
  • Sususugan pa natin ito sa tulong ng Department of Interior and Local Government at mga lokal na pamhalaan na may kapasidad na pangasiwaan ang kapayapaan sa kanilang mga lugar.

We will pursue a genuine independent foreign policy. Sisiguraduhin nating itataguyod at poprotektahan ng ating mga patakaran ang interes ng mga Pilipino, lalo na ang mga OFWs.

  • Ibabalik natin at paiigitingin ang ugnayang diplomatiko sa mga bansang kinikilala ang Hague ruling ukol sa West Philippine Sea kung sakaling kailangan nating igiit pa ang ating karapatan sa teritoryo sa mga hindi kumikilala sa ruling na ito.
  • Makikipagugnayan tayo nang mabuti sa iba’t ibang miyembro ng pandaigdigang organisasyon tulad ng ASEAN at United Nations upang kilalanin pa ang Pilipinas sa mundo.
  • Palalakasin natin ang Department of Foreign Affairs at ire-require natin na mas mataas ang posisyon ng mga career officials kaysa political appointees sa pagtatalaga ng mga ambassadors natin sa iba’t ibang bansa.
Sun